DAGUPAN CITY- Hindi masyadong nagdiriwang ng kapaskuhan ang mga mamamayan ng bansang Kuwait dahil sa pagkakaiba ng paniniwala ng mga taong naroroon.

Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jane Anlap Lorenzo, Bombo International News Correspondent sa bansang Kuwait, isang Muslim country ang bansang Kuwait kung kaya’t ang mga nagdiriwang lamang ng kapaskuhan ay ang mga taong naniniwala sa pasko, at karamihan dito ay mga Pilipino at ilan pang mga dayuhang nakatira sa nasabing bansa.

Aniya, hindi katulad ng Pilipinas ang pagdiriwang ng mga tao ng kapaskuhan sa nasabing bansa, kung saan hindi umano nararanasan ng karamihan ang saya ng paskong katulad sa Pilipinas.

--Ads--

Dagdag niya, kahit buwan na ng Disyembre ay hindi pa rin ramdam ang kapaskuhan sa lugar dahil na rin sa halo-halong mga taong may iba’t-ibang paniniwalang nakatira sa nasabing bansa.

Malungkot umano sa pakiramdam ng paskong hindi kasama ang pamilya, katulad ng kaniyang karanasan noong unang selebrasyon ng pasko sa Kuwait.

Dahil na rin ang maraming bilang ng mga Pilipino sa nasabing bansa ay nakapaghahanda ng iba’t-ibang pagkain bilang parte ng pagdiriwang.

Aniya, dahil sa pagkakaiba ng bansang Pilipinas at Kuwait ay hindi nito maiwasang maikumpara ang dalawang bansa pagdating sa diwa at saya ng kapaskuhan.