BOMBO DAGUPAN – Lumikas na ang mga residente lalo na ang mga nakatira sa mababang lugar sa silangang bahagi ng bansang Japan dahil sa pananalasa ng bagyong Ampil.
Ayon kay Josel Palma, Bombo International News Correspondent in Japan, may dalang malakas ng ulan at hangin ang bagyong Ampil sa silangan at hilagang silangang bahagi ng nasabing bansa.
Nagbabala ang Japan Meteorological Agency sa mga residente ng Tokyo na mag ingat sa landslide m pagbaha at pag apaw ng ilog dulot ng malakas na hangin at pag ulan.
Sinabi nito na maaga ng inabisuhan ang mga mamamayan na nasa mababang lugar na pumunta sa matatag at ligtas na lugar at sa itinatayong shelter ng pamahalaan.
Kaugnay nito ay kinansela na rin aniya ng Tokyo government ang biyahe ng tren at commercial flights ngayong araw.
Maliban sa biyahe ng mga tren, pansamantala ring itinigil ang mga delivery, habang maaga ring nagsara ang mga establishimiyento sa Tokyo.
Samantala, kinansela na rin ang nasa 471 flights papasok at palabas ng Haneda at Narita sa Tokyo, kasama ang Kansai, Osaka at Chubu airports.