DAGUPAN CITY- Bagaman hindi naman masyadong naapektuhan sa mga nagdaang bagyo ang mga naunang nagtanim ng sibuyas sa Nueva Ecija, kabaliktaran naman ang naranasan ng mga nagtanim ng direct seeding.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mark Paul Rubio, magsasaka sa naturang probinsya, nagdulot ito ng pagkalugi sa mga magsasaka dahil hindi na tuluyan tumubo ang kanilang pananim nang inabutan na ng bagyo.
Aniya, maliban sa kanilang bayan sa Bongabon, kabilang din sa naapektuhan ay ang mga magsasaka sa Estrella at Rizal na parehong nagtanim ng direct seeding, iba pang gulay tulad ng kamatis, at ang mga nahuling nagtanim ng palay.
Gayunpaman, kahit papaano ay mayroon pa rin ang natirang pananim subalit pinapangambahan naman na mapipinsala ito ng mga kasunod na bagyo.
Kaya para naman makabawi mula sa pagkalugi, may ilan na mga magsasaka na susubukan na lamang magtanim ng gulay lalo na kapag nakadaan na ang mga binabantayang bagyo.
At para sa muling magtatanim ng sibuyas ay hihintayin pa muna na matuyo ang lupa bago magsimula muli.
Sinabi naman ni Rubio na ang Bagyong Kristine ang labis na nakapinsala sa kanilang taniman dahil sa dala nitong malakas na pag-ulan at kaonting bugso ng hangin.
Samantala, minomonitor na aniya ng Department of Agriculture (DA) sa kanilang lalawigan ang kabuoang bilang ng pinsala sa kanilang taniman.
Subalit hanggang sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na tulong mula sa ahensya at sa Local Government Unit.