DAGUPAN CITY- Malaki ang ambag ng gasolina sa mga gawain sa bukid kaya’t isa ito sa itinuturing na pangunahing pangangailangan ng mga magsasaka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rodel Cabuyaban, isang magsasaka sa bayan ng Guimba, Nueva Ecija, ihihayag niya na makatutulong sana nang malaki sa kanilang hanapbuhay kung mabibigyan sila ng fuel subsidy, lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Aniya, ito ay magiging kabawasan sa kanilang mga gastusin sa pagsasaka.
Ibinahagi rin niya na hindi pare-pareho ang konsumo ng gasolina ng mga magsasaka dahil ito ay nakadepende sa kondisyon ng panahon, mas malaki umano ang paggamit kapag maaraw kumpara sa panahong maulan.
Bilang mensahe sa kapwa niya magsasaka, hinikayat ni Cabuyaban ang pagpapalakas ng kanilang samahan upang mas maipahayag ang kanilang mga hinaing at mabisang maiparating sa kinauukulan ang kanilang mga pangangailangan.