DAGUPAN CITY- Nagmistulang palaisdaan ang ibang mga sakahan sa lalawigan ng Nueva Ecija dulot ng sabay-sabay na pag-ulan dala ng Bagyong Crising, Dante, at Emong, at paglakas ng habagat o Southwest monsoon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rodel Cabuyaban, magsasaka sa Guimba, sa nasabing lalawigan, karamihan umano sa mga tanim na palay sa bawat bukirin ay lubog sa baha at lunod na.
Aniya, ang iba naman ay napeste ng mga kohol at tuluyang napinsala.
Dahil dito ay inaasahan na ang pagkalugi ng mga magsasaka at walang mababawi sa kanilang ipinuhunan.
Samantala, naglunsad naman ng interbensyon ang Provincial Government kung saan binibili ang mga naunang naaning palay sa halagang P14 kada kilo.
Habang inaabangan pa ng mga napinsalang bagong taniman ang makukuhang tulong mula sa lokal na pamahalaan.