Posibleng magkasa ng “mass action” ang mga magsasaka sa bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Saturnino Distor , Provincial President ng Federation of Free Farmers , na matapos ang isinagawa nilang kilos protesta sa ibat ibang panig ng bansa kung saan dito sa Pangasinan ay dinaluhan ito ng mahigit 100 magsasaka ay mapipilitan silang gumawa ng mas malawakang aksyon kaugnay sa nararanasan nilang epekto ng Rice Tarrification Law.
Hiling din nila na sanay tuloy tuloy na ang suspensiyon sa pag iimport ng bigas sa ibang bansa . Giit pa nito na sanay matagal na itong ipinatupad upang hindi nahihirapan ng ganito ang mga magsasaka sa bansa.
Kung ang pinahintulutan lang sanang maipasok na bigas sa bansa ay kung ilan ang kinakailangan lamang ng Pilipinas, sanay hindi na binaha ng imported rice ang Pilipinas.
Matatandaan na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspensiyon ng rice importation sa gitna ng paghihirap ng mga magsasaka sa Rice Tariffication Law.
Noong Pebrero naman nang, lagdaan ng Pangulo ang Rice Tariffication Law na nagtatanggal sa restriksiyon ng importasyon ng bigas sa paniwalang maibaba ang presyo nito sa merkado.
Gayunman, direktang naapektuhan ang mga magsasaka sa batas na nagresulta sa pagbagsak ng farm-gate prices ng palay.
Sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA) hanggang noong Oktubre 25, bumagsak ang presyo ng palay sa pinakamababa sa nakalipas na walong taon.
Ayon sa PSA, ang farm-gate price ng bigas ay bumagsak sa P15.35 kada kilo na 27% mababa kumpara sa presyo sa katulad na panahon noong 2018.