Kinukuwestyon ngayon ng samahan ng mga magsasaka ng tabako dito sa lalawigan ng Pangasinan, ang pagiging epektibo ng pagpapataw ng dagdag na buwis sa sigarilyo.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Saturnino Distor, pinuno ng Phil Tobacco Growers Association, na paano itong magiging epektibo kung labis na magpapatuloy ang pagtataas ng tax subalit bumababa naman na ang demand nito.
Aniya, hindi na nila alam ang totoong plano ng Gobierno, subalit ang magiging resulta nito ay siguradong magiging pasakit para sa kanila.
Dahil dito ayon pa kay Distor, magbabawas na aniya sila ng itatanim sa susunod na planting season.
Matatandaan na lumusot na sa sa ikatlo at huling pagbasa ng mataas na kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na nagpapataw ng dagdag na buwis sa sigarilyo.
Sinabi ng Department of Finance, makatutulong ang nasabing panukala upang punan ang P40-bilyong funding gap para sa implementasyon ng Universal Health Care law.