Dagupan City – Nananawagan ng tulong mula sa pamahalaan ang mga magsasaka ng sibuyas sa Bongabon Nueva Ecija, dahil sa pag-atake ng mga pesteng harabas sa kanilang pananim.
Ayon kay Celso Pesa, Onion Grower sa Bongabon, Nueva Ecija noong nakaraang taon pa lamang nang mag-umpisang atakihin ang kanilang mga pananim na sibuyas ng mga pesteng harabas ngunit hindi rin inaasahan ng mga ito na aabot ito hanggang ngayong taon.
Dahil sa sinapit, napipilitan na lang ang mga itong anihin na ang mga sibuyas kahit pa hindi pa sapat ang tubo nito. Dagdag pa ni Pesa, sinubukan naman aniya nilang gumamit ng mga pesticides at lason sa mga peste ngunit wala ring nagiging epekto, bagkos ay mas dumarami pa ang mga ito.
Samantala, kahit pa man nag-eartly harvest sila, ay damang-dama pa rin nila ang pagkalugi dahil sa wala ring mga buyer’s ng bultuhan kung kaya’t napipilitan na lang din silang ibenta ito sa palengke ng aabot lamang sa P17 hanggang P20 at kung minsa’y binabarat pa.
Mensahe naman ni Pesa sa pamahalaan patungkol sa inilabas kamakailan na ipapahinto muna ang pag-import ng sibuyas, kahit pa man ipatigil nila ang nasabing importasyon ay hindi pa rin mararamdaman ng mga onion growers ang nasabing panukala dahil sa tapos na rin ang anihan at naibenta na ito sa mas mababang halaga.
Panawagan na lamang niya, nawa’y tutukan ang kanilang iniindang kalugian dala ng pag-atake ng mga insekto at bigyang tugon ang kanilang mga pananim na kung maaari ay magbigay ang pamahalaan ng tulong pinansyal at mga kagamitan na siyang makakapagpawaksi sa nasabing peste.