DAGUPAN CITY—Nababagalan at nakukulangan umano ang mga magsasaka sa tulong na ibinibigay ng pamahalaan sa kanila.
Ito ang mariing pahayag ni Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kaugnay ng kasalukuyang kalagayan ng sektor ng agrikultura sa bansa.
Ayon kay Montemayor, sa unang tatlong buwan pa lamang ng taong 2026, umabot na sa hindi bababa sa 1,200,000 sako ng bigas ang inangkat ng pamahalaan sa pamamagitan ng Planters Product Inc. (PPI).
Dagdag pa niya, noong nakaraang taon ay umangkat din ang PPI ng humigit-kumulang 450,000 sako ng bigas mula lamang sa estado ng Telangana sa India.
Ipinahayag ng grupo ang kanilang kalituhan sa direksyon ng pamahalaan sa pamamahala ng sektor ng agrikultura. Binalikan ni Montemayor ang inilabas na pahayag noong Oktubre 9, 2025, kung saan inatasan ang lahat ng ahensya ng gobyerno na bumili ng bigas mula sa lokal na magsasaka alinsunod sa Sagip Saka Act of 2019. Gayunpaman, tila taliwas umano dito ang patuloy at malakihang importasyon ng bigas.
Samantala, patuloy naman ang pagtaas ng presyo ng bigas, partikular sa Pangasinan. Ayon kay Montemayor, maaaring may mga hindi makatarungang gawain mula sa mga importer, distributor, at maging retailer. Ito ay sa kabila ng pahayag ni Department of Agriculture Secretary Tiu Laurel Jr. na may itinakdang price cap na hindi lalampas sa P50 para sa imported na bigas.
Ang ganitong mga insidente ay maituturing na paglabag sa anti-profiteering law at maaaring ituring na isang uri ng economic sabotage.
Idinagdag din na posibleng patuloy pang tumaas ang presyo ng bigas dulot ng pagtaas ng gastusin sa logistics.
Bukod dito, nagbabala si Montemayor na kung magtatagal ang umiiral na digmaan, maaaring unahin ng mga bansang pinanggagalingan ng suplay ang kanilang sariling pangangailangan sa bigas. Dahil dito, posibleng makaranas ang mga bansang umaasa sa importasyon ng kakulangan sa suplay at pagtaas ng presyo ng imported na bigas.
Sa huli, iginiit ni Montemayor ang agarang paghahanda para sa darating na planting season. Aniya, kinakailangang pabilisin ng pamahalaan ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka upang matugunan ang lumalalang krisis na kanilang kinakaharap.










