Malaking pinsala ang iniwan ng nagdaang bagyo sa industriya ng bangus sa lalawigan ng Pangasinan, partikular sa mga bayang may malalawak na palaisdaan mula San Fabian hanggang sa kanlurang bahagi ng probinsya, ayon sa Samahang Magbabangus sa Pangasinan.

Sa panayam kay Christopher Aldo Sibayan, President ng samahan, sinabi niyang napakalakas ng bagyong tumama sa lalawigan.

Bagama’t hindi nagkulang sa paghahanda ang mga fishpond operators, hindi pa rin naiwasan ang malaking pinsala sa mga palaisdaan.

--Ads--

Kung saan mas mataas ang tubig kaysa sa perimeter na kanilang inilagay sa paligid ng palaisdaan.

Dahil dito, maraming bangus ang nailabas sa mga palaisdaan, at nagkaroon ng pagkalugi sa mga fish farmers.

Ibinahagi naman ni Sibayan na depende sa laki ng isda ang presyo sa kasalukuyan karaniwang umaabot sa limang piraso kada kilo para sa maliliit na bangus, samantalang dalawa hanggang tatlong piraso kada kilo naman ang mas malalaki.

Binigyang-diin nito na mas mapaminsala ang bagyong ito kaysa sa inaasahan, ngunit patuloy umano silang gumagawa ng mga programa at hakbang upang makabangon ang mga magbabangus sa lalawigan.