Dagupan City – ‎Pinangunahan ng iba’t ibang lokal na ahensya ang pagtuturo ng “Good Touch vs Bad Touch” sa mga batang mag-aaral ng Lomboy Elementary School sa lungsod ng Dagupan sa ilalim ng programang Oplan B.I.D.A. o Batang Iwas sa Dahas at Abuso.

‎Sa pakikipagtulungan ng Department of Education Dagupan SDO, City Population and Development Office, Women’s Center, Teen Center, at Girl Scouts of the Philippines–Dagupan Council, ipinaliwanag sa mga bata ang kahalagahan ng paggalang sa sariling katawan.

‎Layunin ng aktibidad na bigyang kaalaman ang mga kabataan kung paano umiwas sa mapang-abusong sitwasyon at agad magsumbong sa mga nakatatanda o awtoridad.

Bukod sa mga interactive lecture, isinagawa rin ang mga aktibidad na tumutulong sa mga mag-aaral na maunawaan ang konsepto ng tamang pakikitungo lalo na sa mga nakatatanda.

‎Bahagi ng programa ang pagpapatibay ng proteksiyon sa mga bata sa loob at labas ng paaralan. Samantala nakatakda namang ipagpapatuloy ang aktibidad sa iba pang paaralan sa lungsod sa mga susunod na araw.