DAGUPAN CITY — “Dapat silang kasuhan.”

Ito ang binigyang-diin ni Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) Chairperson Fernando Hicap sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa mga hindi otorisadong magbenta ng mga ipinagbabawal na mga imported na isda sa merkado gaya na lamang ng Pampano at Pink Salmon.

--Ads--

Aniya na hindi lamang moratorium ang dapat na ipataw ng Department of Agriculture at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, subalit dapat silang patawan ng karampatang parusa, alinsunod na rin sa batas na humahalili sa usaping ito.

Dagdag pa niya na kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran sa merkado ay magiging kawawa lamang ang mga consumer lalo na’t kung walang mapapanagot kaugnay nito dahil ang mga imported na isda ay kadalasan umanong may mga kemikal na ginagamit nila upang mabilis na lumaki ang mga isda.

Saad pa nito na hindi dapat ang mga retailers ang sinisisi sa talamak pa rin na pagbebenta ng mga Pampano at Pink Salmon sa mga merkado sapagkat hindi naman nila ito kasalanan, bagkus ay ang mga supplier ng mga nasabing produkto ang kailangan panagutin, lalo na ang mga walang permit to import at nagpupuslit lamang ng mga naturang isda sa merkado.

Sinabi pa ni Hicap na dapat ay alam lamang ng mga kinauukulan kung sinu-sino ang mga nararapat na panagutin kaugnay sa usaping ito sapagkat sila rin ang nagbibigay ng mga import permit sa mga suppliers ng nasabing mga isda.

Maliban pa rito ay idiin din ni Hicap na dapat ay “totally banned” na ang mga ina-angkat na mga isda sa Pilipinas sapagkat napakalawak ng katubigan ng bansa at sagana naman ang mga ito sa iba’t ibang uri ng mga isda.

Kaugnay nito ay sinabi rin ni Hicap na hindi importasyon ang kinakailangan ng bansa, subalit dapat lamang na pangalagaan ang mga ilog at dagat na pinagkukunan ng mga isda nang sa gayon ay makamit ang sustainability at nang hindi mamatay ang industriya ng pangingisda sa bansa.