Nasa anim na indibidwal ang naaresto dahil sa paglabag sa Comelec gun ban sa Pangasinan batay sa tala ng Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) ngayong araw.

Ayon kay PLt. Trisha Mae T. Guzman, Public Information Officer ng PPPO ang pag-aresto ay naganap sa unang dalawang araw ng pagpapatupad ng gun ban noong Enero 12, 2025 kasabay ng pagsisimula ng election period para sa nalalapit na halalan sa Mayo.

Nagmula ang mga lumabag sa anim na bayan: San Carlos City, Pozorrubio, Malasiqui, Balungao, Sta. Barbara, at San Quintin.

--Ads--

Hindi lamang naganap sa mga checkpoint ang pag-aresto sa mga ito kundi pati na rin sa mga buy-bust operations at iba pang police operations sa kasagsagan ng pagpapatupad nito.

Saad nito na nahaharap ang mga nadakip sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 kaugnay sa Omnibus Election Code at Comelec Resolution No. 11067.

Matatandaan na isinagawa noong nakaraang linggo ang kick-off ceremony ng nasabing Gun Ban sa kalsada malapit sa harapan Comelec Pangasinan sa Barangay Tapuac, Dagupan City na pinangunahan ni PCol. Rollyfer Capoquian, kasama ang mga kapulisan at opisyal ng Comelec.

Kasabay nito ay mayroong 44 na bayan at 4 na lungsod sa lalawigan ang nagsagawa ng mga checkpoint upang masubaybayan ang pagpapatupad ng gun ban bilang pagtalima sa malawakang pagsasagawa nito sa bansa.

Sa kabilang banda, upang matiyak ang transparency, may mga nilagay na mga dash cam ang bawat police mobile upang mamonitor ang real time na ginagawa ng mga police sa mga checkpoint operations.

Binigyang diin naman ni Plt. Guzman sa mga motorista na sundin ang mga sumusunod kapag dumadaan sa mga checkpoints: buksan ang bintana, bawasan ang liwanag ng sasakyan, buksan ang cabin light, at sagutin ang mga tanong ng mga pulis habang maaaring ipakita ang driver’s license at vehicle registration kung kinakailangan.

Kaugnay nito, inaasahang may walong tauhan sa bawat checkpoint: isang team leader (Non-Commissioned Officer), isang spotter, isang profiler, isang rear security, isang advance security, at tatlong verifier.

Nanawagan naman ito sa publiko na dapat makipagtulungan upang maging maayos ang pagpapatupad ng batas sa panahon ng halalan.