DAGUPAN, CITY— Binabantayan ngayon ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga lugar na madalas bahain sa lalawigan ngayong panahon matapos na maging tropical depression ang Low Pressure Area sa bahagi ng Cagayan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Christian Ramoso, mula sa Research and Planning ng PDRRMO Pangasinan, bago pa man umano maglabas ng opisyal na pahayag ang PAG-ASA, ay nagpadala na ang provincial government ng memorandum sa mga local government units partikular na ang mga local Disaster Risk Reduction and Management Offices na maging handa lalo na sa posibleng sakuna sa mga oras na may paparating na bagyo ngayong panahon ng new normal.
Aniya, isa sa mga binabantayan ng kanilang opisina ay ang mga bayan at siyudad sa parte ng Central Pangasinan gaya na lamang ng lungsod ng Dagupan, Calasiao, Sta. Barbara at ilan pang bayan dahil ilan ang mga ito sa madalas bahain dito sa lalawigan.
Ayon pa kay Ramoso, kasama rin nila sa pag-aantabay ang Philippine Coast Guard at mga concerned agencies upang makatulong sa mga kababayan nating maaapektuhan ng ganitong panahon.
Nabatid din niya na nakamonitor din ang kanilang tanggapan sa pagtaas ng alon sa dagat dulot na rin ng masamng panahon kung kaya’y araw araw ay nagbibigay sila ng abiso o gale warning para sa mga mangigisdang papalaot lalo na sa panahon ng bagyo upang masiguro ang kaligtasan ng mga mangingisda sa lalawigan.
Dagdag pa niya, on going na rin ang enhancement training ng kanilang tanggapan sa mga Water Search and Rescue (WaSaR) upang mas maihanda ang mga ito na tumugon sa pangangailangan kung sakaling may maganap na pagbaha.
Dahil sa epekto ng Tropical Depression Carina, ay makakaranas ng pag-ulan ang eastern portion ng Pangasinan ngayong araw.