DAGUPAN CITY- Nagpahayag ng suporta ang ilang lokal na lider at sektor ng transportasyon sa planong pagpapatayo ng nuclear power plant sa bayan ng Labrador, Pangasinan, dahil sa inaasahang benepisyong pangkabuhayan at pangkaunlaran na maidudulot nito sa komunidad.
Ayon kay Rafael Lepio, pangulo ng Lab TODA, naniniwala siyang makatutulong ang nuclear power plant sa ikauunlad ng bayan, lalo na sa sektor ng transportasyon tulad ng mga tricycle driver na umaasa sa araw-araw na hanapbuhay.
Para sa kanila, mahalaga ang mga proyektong magbubukas ng mas maraming trabaho at magpapalakas sa lokal na ekonomiya.
Inaasahan din ng kanilang grupo ang pangakong libreng kuryente sa bayan, na makatutulong sa pagbawas ng gastusin ng mga residente at sa pagpapalago ng kabuhayan.
Dagdag pa rito, nakikita ng sektor ng TODA ang nuclear power plant bilang isang pagkakataon upang magkaroon ng mas maayos na programa sa trabaho at kabuhayan sa Labrador.
Sa pananaw nila, ang pagkakaroon ng ganitong malaking proyekto ay maaaring magbigay ng mas matatag na kinabukasan hindi lamang sa mga tsuper kundi sa buong bayan.
Kaisa rin sa pagsuporta ang barangay captain ng Laois na si Valentino Arenas.
Ayon sa kanya, ang pagpapatuloy ng nuclear energy project sa Labrador ay inaasahang magdudulot ng masiglang ekonomiya.
Isa sa binigyang-diin ang inaasahang pagdami ng oportunidad sa trabaho.
Naniniwala rin ang ilang lokal na opisyal na ligtas ang nuclear energy batay sa mga umiiral na datos at pag-aaral, at maaari itong magsilbing susi sa mas mabilis na pag-unlad ng bayan.
Dahil dito, hinihikayat nila ang mga residente na suportahan ang proyekto at maging bukas sa mga impormasyong kaugnay ng nuclear power plant.
Sa kabila ng patuloy na diskusyon at magkakaibang pananaw sa isyu, iginiit ng mga sumusuporta na ang nuclear power plant ay isang malaking hakbang tungo sa mas maunlad, mas mayamang, at mas may oportunidad na Labrador sa hinaharap.








