Dagupan City – Inanunsyo ng Commission on Elections (COMELEC) na bukas ang aplikasyon para sa mga kwalipikadong mamamayan na nais magparehistro para sa local absentee voting sa darating na eleksyon hanggang Marso 7, at maaari nang bomoto mula Abril 28-30, alas 8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon.

Kabilang sa mga maaaring mag-apply ang mga kawani ng gobyerno na may mga tungkulin sa mismong araw ng halalan, pati na rin ang mga miyembro ng media, kapulisan, at mga sundalo.

Ayon kay Atty Michael Franks Sarmiento – Election Supervisor, Dagupan City COMELEC, ang mga interesado, ay kailangang magsumite ng aplikasyon sa opisina ng Provincial COMELEC.

--Ads--

Kailangan lamang nilang magbigay ng sertipikasyon mula sa kanilang mga Head of Office bilang patunay ng kanilang pagiging empleyado sa ahensiya.

Paglilinaw niya na ang local absentee voting ay magbibigay ng pagkakataon sa mga kwalipikadong sektor na makaboto, ngunit limitado lamang ito sa mga pambansang posisyon tulad ng mga senador at partylist.

Hindi kasama sa mga pwedeng iboto ang mga kandidato para sa lokal na posisyon.

Ani Sarmiento, may mg mahigpit na hakbang pang-seguridad na susundin upang matiyak na ang mga balota ng mga absentee voter ay mananatiling kumpidensyal at ligtas.

Gagamitin na rin ang mga opisyal na balota sa halip na ang mga manual o sinusulat na sistema tulad ng sa mga nakaraang taon.

Matapos ang pagboto, ang mga balota ay ipapadala sa Committee on Local Absentee Voting, at isang special electoral board ang mag-aayos ng mga ito upang ipasa sa Automated Counting Machine sa mismong araw ng halalan.

Ang mga kwalipikadong local absentee voter ay maaaring magtungo sa mga special polling places sa kanilang lokal na COMELEC offices sa mga munisipyo at siyudad.

Samantala, ang mga guro na nakadestino sa ibang barangay ay mayroon ding voting privilege at maaaring bumoto sa kanilang assigned na lugar para sa mga lokal at pambansang posisyon.