Tatalakayin na sa susunod na linggo ang mga kontrobersiyal na pangalang iniuugnay sa umano’y maanomalyang paggamit ni Vice President Sara Duterte sa kaniyang confidential at intelligence funds (CIF).

Kabilang dito ang Mary Grace Piattos, Milky Sikuya, at iba pang mga pangalan na unang lumutang noong inimbestigahan ng House Committee on Public Accountability and Good Government ang intel fund ng pangalawang pangulo.

Ayon kay House Prosecutor Terry Ridon, lahat ng mga pangalan na umano’y nagsilbing recipient o nakatanggap ng intel fund ay posibleng lulutang muli sa pagtalakay sa naturang pondo na nakapaloob sa Article I ng Articles of Impeachment.

--Ads--

Ang pagpresenta rito aniya ay mahigpit na pinaghahandaan ng panel, kasama na ang mga ebidensiyang sumusuporta sa naturang alegasyon.

Plano ng panel na ilahad ang mga ulat ng Philippine Stastistics Authority (PSA), na aniya’y magpapatunay kung may umiiral na mga rekord para sa mga naturang pangalan.

Kung babalikan, una nang sinertipikahan ng PSA na ang mga kontrobersiyal na pangalan ay wala sa database nito, at wala ring mga birth records na sumusuporta sa posibleng kapanganakan ng mga ito.

Unang lumitaw ang mga naturang pangalan sa mga acknowledgment receipt na ginamit bilang suporta sa liquidation ng confidential funds ng OVP at DepEd sa ilalim ng pamumuno ni VP Sara.