“Mas malala ngayon ang sitwasyon sa Haiti,” ito ang naging pahayag ni Bombo International News Correspondent Nene Sylvain sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa patuloy at nananaig na mga isinasagawang kilos-protesta sa Haiti sa kabila naman ng pagkapit sa kapangyarihan at paghingi ng tulong sa ibang bansa ni Haitian Prime Minister Ariel Henry.


Dagdag pa nito na magkakaroon umano ng pagdagsa ng mga Foreign Military sa naturang bansa na nilagdaan na ni Prime Minister Ariel Henry na nagudyok naman ng malawakang paga-aklas ng mga residente bilang pahayag ng kanilang hindi pagsang-ayon sa naturang pagbisita ng mga dayuhang militar.


Binigyang-diin pa ni Sylvain na nababawasan na rin ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa bansang Haiti bunsod ng kaliwa’t kanang kaguluhan sa lugar.

--Ads--


Maliban dito ay patuloy pa ring nakakaranas ang bansa ng kakulangan sa iba pang mga produkto gaya ng pagkain at tubig lalo na ngayon na nakasara ang borders at daanan ng buong bansa kaya’t wala nang nakakapasok dito na mga container na naghahatid ng mga produktong kailangan ng mga residente dahil 90% na nakaasa lamang ang Haiti sa mga imported goods.


Kaugnay nito ay wala pa umanong natatanggap na tulong ang Haiti mula sa karatig nito at ibang mga bansa sa kabila ng pahayag ng United Nations na magpapadala ito ng tulong sa Haiti. Bagamat may ilan na ring nagbaaot ng tulong, muling idiniin ni Sylvain na hindi ito sapat upang punan ang kakulangan sa mga pangangailangan at pakainin ang mga nagugutom na residente ng naturang bansa.


Sa ngayon ay wala pang ibang plano ang gobyerno ng Haiti kaugnay sa mga pangyayari sa bansa, habang pinapakiramdaman naman ng mga mamamayan kung ano ang susunod na mangyayari. Subalit nag-anunsyo na ang mga ito ng general mobilization kung saan ay magsasagawa ang buong bansa ng kilos protesta bilang panawagan sa kanilang Punong Ministro na magbitiw na sa kanyang pwesto.