Nagbabala ang Department of Health (DOH) Region 1 sa publiko laban sa mga wild diseases na karaniwang tumataas tuwing panahon ng tag-ulan gaya ng water- born diseases, influenza, leptospirosis, at dcengue.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Rheuel Bobis Medical Officer IV, Center for Health Development DOH Region I sa pinakahuling monitoring report noong Hunyo 7, naitala ang 2,601 kaso ng dengue, mas mataas kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon na may 1,109 kaso lamang.
Kung saan sampung (10) pagkamatay na ang iniulat dahil dito.
Kabilang naman sa mga sintomas ng dengue ang mataas na lagnat, pagsusuka, pagdurugo ng gilagid, ilong, o dugo sa dumi.
Ayon sa mga eksperto, kapag nararanasan na ang ganitong sintomas, hindi na ito simpleng lagnat at kinakailangang agad na ikonsulta sa doktor.
Ang incubation period naman nito ay nasa 4–7 araw, kaya’t sa panahong ito maaaring magsimulang lumabas ang sintomas.
Samantala, 54 kaso ng leptospirosis ang naiulat din nitong Hunyo 7 kung saan malaki ang itinaas nito kung ikukumpara sa parehong panahon noong 2024 na may 25 kaso lamang.
Pito naman dito ay naiulat na nasawi.
Ang leptospirosis ay nakukuha mula sa bacteria na madalas ay dala ng ihi ng daga at nahahawa kapag ang tao ay lumusong sa kontaminadong baha.
Kabilang sa sintomas nito ang lagnat, pananakit ng katawan o kalamnan, paninilaw ng balat, pamumula ng mata, at pamamantal.
Kapag napabayaan ay maaaring humantong ito sa malubhang pinsala sa kidney.
Ang incubation period ng leptospirosis ay nasa 5 hanggang 14 na araw.
Samantala, nagpaalala din ito tungkol sa rabies kung saan hindi lamang ito naipapasa sa kagat ng hayop, kundi pati na rin sa kalmot o ibang uri ng non-bite exposure, lalo na kung wala pang bakuna ang hayop.
Sa ngayon ay limang (5) kaso na ng pagkamatay dahil sa rabies ang naitala sa rehiyon.