Dagupan City – Naniniwala ang political analyst na si Atty. Michael Henry Yusingco na kulang sa laman at paglabas ng impormasyon ang itinanong sa nangyaring Senate Blue Ribbon Committee hearing.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, sinabi nitong dapat ang sentro ng diskusyon sa mga isyu ng budget ay kung paano mapapaunlad ang proseso at paano matutugunan ang mga kakulangan, hindi lamang kung sino ang dapat sisihin.
Ayon kay Yusingco, tila may kakulangan sa naging linya ng pagtatanong sa imbestigasyon kamakailan, lalo na at maraming sangkot dito ay mukhang kapwa rin mambabatas, dahilan kung bakit posibleng pinoprotektahan ng ilan ang kanilang mga kasamahan.
Binigyang diin din nito na hindi ito isang criminal investigation at ang mga mambabatas ay wala namang sapat na training para magsagawa ng ganitong klaseng pagtatanong.
Nangangahulugan na malayo ito sa standard ng isang police o prosecutorial investigation.
Dagdag pa ni Yusingco na ang naging pahayag ng isang senador na hindi agad kakasuhan ang mga sangkot, kundi hihintayin muna nilang pangalanan ang mga nasa likod ng anomalya ay malinaw na hindi ito tamang pananaw, dahil posibleng lalo lamang itong magpabigat sa trabaho ng mga piskal.
Kaugnay nito, isa rin sa mga dahilan aniya kung bakit tila “nagpapakitang-gilas” ang ilang mambabatas sa naturang imbestigasyon ay ang dami ng mga nanonood online.
Kung kaya’t ayon sa kanya, may ilang nagpapakitang inosente sa publiko, kahit pa may pagkakaugnay sa kontrobersiya.
Samantala, kaugnay ng pagtanggi ni Mark Allan Arevalo, General Manager ng Wawao Builders, na magsalita sa isinagawang hearing, sinabi ni Yusingco na hindi siya mapipilit, dahil hindi kapareho ng Senado ang mga kapangyarihan ng korte o ng mga piskal pagdating sa pagkuha ng impormasyon sa isang akusado.
Nauna nang sinabi ng political analyst na nakapagtatag na ang Office of the Ombudsman ng isang special panel of prosecutors na siyang magsasagawa ng mas masusing imbestigasyon sa nasabing isyu.