Posible umanong maparalisa ang mga ISIS inspired group dito sa Pilipinas tulad ng Abu Sayyaf, Maute Group at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa pagkamatay ni ISIS leader Abu Bakr al-Baghdadi.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr malaking kawalan sa mga terorista sa bansa ang pagkasawi ng kanilang tinitingala sa katauhan ni al-Baghdadi.

Malaki aniya ang suporta lalo na sa usaping pinansiyal ang mawawala sa kanila dahil sa pagkamatay nito.

--Ads--

Giit din nito na ang pagkasawi ng kanilang pinuno ay nangangahulugan ng paghihirap ngayon ng mga sanga nito ngunit hindi rin inaalais ni Esperon na ang pagkamatay ni al-Baghdadi ay posibleng magresulta ng pagpapakitang gilas ng kaniyang mga alagad.

Maari aniya na gumawa sila ng hakbang para iparamdam ang kanilang presensya sa kabila ng pagkasawi ng kanilang lider.

Nauna rito kinumpirma ni US President Donald Trump ang pagkamatay ni ISIS leader Abu Bakr al-Baghdadi. Ayon sa US President, ilang linggo nilang minanmanan ang kinaroroonan ng ISIS leader.

Mayroon dalawa hanggang tatlong planned missions ang pumalpak bago magtagumpay.

Kuwento pa ni Trump na naging delikado ang misyon dahil sa kinailangan pa nilang lumipad sa airspace ng Russia.

Pinasalamatan ni Trump ang Russia, Turkey, Syria, Iraq at Syrian Kurds para sa tagumpay ng misyon.