DAGUPAN CITY- Nagpapasakit ngayon sa bulsa ng mga konsyumer ang presyo ng produktong bawang sa merkado, kaya ang tugon ng Department of Agriculture (DA), dapat itong patawan ng maximum suggested retail price (MSRP).
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jayson Cainglet, Executive Director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), nakukuha lamang sa halagang P70 kada kilo ang land and cost ng nasabing produkto subalit pagdating sa palengke ay umaabot na ang presyo nito sa P180-P200 kada kilo.
Aniya, sa ganitong halaga ay hindi nakikita ng DA na makikinabang ang mga konsyumer.
Kaya ang pagpataw ng MSRP ay may layon na maibaba ito sa presyong abot ng ordinaryong mamimili kung saan inaasahan aabot ang pagbaba nito sa P130 kada kilo o di naman ay hindi na lalagpas sa P150 kada kilo.
Katuwang naman ng DA ang iba pang kaugnay na ahensya, partikular na ang Department of Trade and Industry (DTI).
Sa pagpataw nito, hindi naman nila nakikitang malulugi ang mga importers hanggang sa retailers dahil ang nasabing aksyon ay nakabase sa pagkonsulta ng ahensya sa mga stakeholders.
Sinabi rin ni Cainglet na karamihan ngayon sa ibinebentang bawang ay mga imported na. Hindi na umano makasabay ang mga lokal na produksyon dahil malaki ang cost of production nito, dahilan kung bakit hindi na rin ito gaano tinatangkilik.
Samantala, matagal nang suportado si Cainglet sa pagpataw ng MSRP sa produktong bigas at karneng baboy.
Mababa rin kase ang presyo ng mga ito sa farmgate habang tumataas pagdating sa retail.
Ani Cainglet, pagbabasehan sa pagpataw ay ang gastusin ng mga magsasaka sa farm gate at kung kikita ito pagdating sa retail.
Kaya kung mataas ang retail nito ay dapat hindi rin nalalayo ang agwat sa farm gate upang hindi malugi ang mga magsasaka habang nakikinabang din ang mga konsyumer.
Pagdating naman sa produktong itlog at karneng manok ay kinakailangan pa umanong pag-aralan.
Papakinggan pa ang mga local farmers hinggil dito dahil sa loob lamang ng bansa nakukuha ang mga nasabing produkto.