Mga kabombo! Saan nga ba makakatagpo ng totoong gold?
Maniniwala ka ba kung malaman mong mayroong natagpuang gold sa tuhod ng tao?
Ito kasi ang nangyari sa South Korea! Kung saan natagpuan ng isang doktor ang mga hibla ng purong ginto sa tuhod ng kanilang pasyente na ginagamot nila sa sakit na knee osteoarthritis!
Ang pasyente, na hindi pinangalanan, ay matagal nang nakaranas ng matinding sakit at paninigas ng tuhod dahil sa osteoarthritis.
Matapos hindi maging epektibo ang mga tradisyonal na gamot tulad ng painkillers at steroid injections, sinubukan niya ang alternatibong medisina: ang kontrobersyal na gold thread acupuncture.
Pagbabahagi pa nito, nagsimula ang babae sa lingguhang sesyon kung saan ang maliliit na hibla ng ginto ay inilalagay sa paligid ng kanyang tuhod. Ngunit sa halip na bumuti, lalo pang lumala ang sakit, kaya’t mas madalas siyang bumalik sa acupuncturist.
Sa huli, lumala nang husto ang sakit kaya napilitan siyang bumalik sa ospital.
Dito na lumabas sa isang X-ray na nanigas na ang panloob na bahagi ng tibia at paglaki ng buto sa tuhod, na mga karaniwang sintomas ng osteoarthritis.
Ngunit ang mas nakakagulat, natuklasan din ang daan-daang maliliit na sinulid na ginto na nakabaon sa tissue sa paligid ng tuhod.
Agad namang nagbabala ang mga doktor na ang gold thread acupuncture ay walang scientifically-proven na benepisyo at nagdudulot pa ng maraming panganib gaya ng cysts, gumalaw sa loob ng katawan, at makapinsala sa mga nakapaligid na tissue.
Dagdag pa ang posibilidad na maging hadlang ito sa paggawa ng MRI scans, na posibleng makasagabal sa life-saving diagnoses.