Muling nabigyang-pansin ang usapin ng seguridad sa mga paaralan matapos ang pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato na ikinasawi ng tatlong katao, kabilang ang 16-anyos na suspek, habang ilang estudyante naman ang nasugatan. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo at sa mga pangyayaring humantong sa insidente, kabilang ang kung paano nakakuha ng baril ang menor de edad.

Ayon kay Dr. Beverly Fernandez, president ng PGCA Pangasinan Chapter, mahalagang matukoy ang mga posibleng salik na maaaring may kaugnayan sa insidente, kabilang ang bullying, personal na suliranin at iba pang salik sa kapaligiran ng isang bata. Kabilang din sa dapat tutukan ang access ng mga menor de edad sa mga armas at ang impluwensiya ng mga content na kanilang nakikita online.

Maaari ring magkaroon ng epekto sa pakiramdam ng seguridad ng mga estudyante ang mga insidente ng karahasan sa paaralan. Posibleng makaapekto ito sa kanilang pagpasok at pag-aaral, lalo na kung makaranas sila ng takot o trauma. Dahil dito, mahalaga ang pagtukoy sa mga senyales ng problema at ang maagap na pagbibigay ng angkop na suporta sa mga mag-aaral.

--Ads--

Kasabay nito, binibigyang-diin ang pangangailangan ng koordinasyon ng mga paaralan, magulang at mga kinauukulang ahensya upang mapalakas ang school safety at prevention programs. Mahalaga rin ang responsableng pag-uulat sa mga insidenteng kinasasangkutan ng mga menor de edad, kabilang ang pag-iwas sa pagpapakalat ng kanilang mga larawan at iba pang impormasyong maaaring makompromiso ang kanilang privacy.