DAGUPAN CITY, Pangasinan — Umaasa si Noreen Barber, isang guro sa Alaminos City, na ipagpapatuloy ng susunod na Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon ang naudlot na programa ni Vice Pres. Sara Duterte para sa sektor.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na kung mayroong anumang rason sa pagbibitiw ng Bise Presidente, ay hindi naman hahayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ang papalit dito sa posisyon ay magiging dagok sa sektor ng edukasyon.

Aniya na maaari lamang sila na umasa na mas magaling, mas matibay, at mas may paninindigan ang hahalinhan sa dating Kalihim.

--Ads--

Saad nito na kung pipili man ang Punong Ehekutibo ng bagong itatatala sa posisyon ay mas mainam ani Barber na hindi ito manggagaling sa pulitika.

Para rito ang mas mahalaga ay may malasakit ito sa mga guro at mag-aaral lalo’t nananatili pa rin sa laylayan ang kalagayan ng sektor ng edukasyon sa bansa.

Dagdag pa nito na ang dapat na uupong bagong Kalihim ng Edukasyon ay hindi lamang may puso, subalit mayroon ding utak kung paano nito babalansehin ang mga bagay-bagay.

Samantala, wala naman aniya itong nakikitang anumang disadvantages ng pagpapalit ng Kalihim ng Edukasyon, at sa halip ani Barber ay may mga kaakibat ito na mga magandang pagbabago na makatutulong at makabubuti para sa mga guro at gayon na rin sa pag-aaral ng mga kabataan.

Kaugnay nito ay hindi naman nila hinihiling ang napakalaking adjustment sa sistema ng edukasyon sa bansa, ngunit ang tanging nais lamang nila ay ang maibigay ng kagawaran kung ano ang nararapat na sahod at benepisyo ng mga guro.

Gayunpaman, napakahalaga pa rin aniya ang pagkakaroon ng isang Kalihim ng Edukasyon na ang mga layunin ay nakaangkla sa pangangailangan ng sektor at kapakinabangan ng mga guro at mag-aaral.