DAGUPAN CITY- Buong nakahanda na ang mga kaguruan na magsisilbi bilang electoral board sa National and Local Elections, bukas, May 12.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Benjo Basas, Chairperson ng Teachers Dignity Coalition, hindi na ito bago sa mga guro dahil ilang beses na rin nila itong nagawa.

Aniya, nagkaroon din naman sila ng sapat na mga training at updating mula sa Commission on Elections (Comelec) upang matiyak ang mapayapa at maayos na halalan.

--Ads--

Maliban pa riyan, nakipagtulungan muli sila sa Legal Network for Truthful Elections (LENTE) para sa reactivation ng Command Center upang mas magabayan pa ang mga electoral boards.

Kabilang din sa Command Center ang pagtanggap nila ng mga reklamo, hindi lamang sa mga electoral boards kundi maging sa mga botante.

Tinitiyak nito na ang mga reklamong natatanggap ay maiaabot sa mga otoridad, partikular na sa Comelec at kapulisan.

Sa kasalukuyan, nakatanggap na sila ng mga reklamo subalit, kadalasan naman na kanilang natatanggap ay ang mga katanungan hinggil sa paghahanap ng nakatalagang presinto.

Ani Basas, marahil ay dulot ito ng kakulangan ng information dessimination kaya tinitiyak nilang nasasagot nila ang mga ito ng tama at kumpleto.

Gayunpaman, nakikita naman ni Basas na patuloy pa rin kinakaharap ng mga kaguruan ang banta sa kanilang kaligtasan lalo na sa mga lugar na mainit sa election-related violence.

Kabawasan naman sa kanilang hirap ang pagiging user-friendly ng Automated Counting Machine (ACM) sa nalalapit na halalan.

Samantala, binigyan linaw naman ni Basas na hindi na bago sa kanila ang matatanggap na honoraria ng mga guro bilang electoral boards, batay sa General Instructions ng Comelec.

Nakasaad dito na makakaatanggap ng P12,000 ang mga chairman ng electoral board, P11,000 para sa mga miyembro, habang P8,000 naman sa Supporting staffs.

Hindi na rin bago para sa kanila ang karagdagang P2,000 across the board dahil binabanggit lamang nito ay ang karagdagan sa nakaraang halalan.

Gayunpaman, may kabawasan pa rin ito dahil sa tax.

Hiwalay naman sa mga ito ang budget ng mga guro sa kanilang mga trainings na isinagawa.