Hindi na bago ang pagkakaroon ng mga “ghost project” pagdating sa mga farm-to-market roads (FMR), mga proyektong dapat sana’y tumutulong sa mga magsasaka ngunit kadalasang hindi nararamdaman o hindi napapakinabangan.
Ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), hindi na nakakagulat na may mga farm-to-market road na ghost project din pala. Lalo na at marami ang hindi talaga tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mga magsasaka.
Ayon sa kanya, bagama’t taon-taon ay may mga isinusumiteng request ang mga magsasaka sa mga ahensyang tulad ng Department of Agriculture (DA) at Department of Agrarian Reform (DAR), kadalasan ay nabibigla sila kapag napunta sa ibang lugar ang proyekto at hindi sa tunay na nangangailangan.
Binanggit din ni Cainglet ang umano’y panghihimasok ng ilang mambabatas sa implementasyon ng mga proyekto, na nagreresulta sa pagbabago ng lokasyon at hindi pagtugma sa orihinal na plano.
Dapat aniya ay magkaroon ng mas malalim na imbestigasyon sa mga FMR projects, kasabay ng isinasagawang pagsisiyasat sa mga flood control projects.
Samantala, bagamat tumaas nang bahagya ang presyo ng palay kamakailan, iginiit ni Cainglet na hindi pa rin sapat ito upang mabawi ng mga magsasaka ang kanilang mataas na gastusin sa produksyon.
Umaasa ito na sa mga susunod na taon ay tuluyan nang maipatupad ang pagtaas ng taripa sa imported na bigas para maprotektahan ang lokal na produksyon.
Sa kabila ng lahat ng hamon, hinikayat parin ni Cainglet ang mga magsasaka na huwag mawalan ng pag-asa at magpatuloy sa pagtatanim, kasabay ng panawagang ayusin at bigyang pansin ng pamahalaan ang mga patakarang tunay na makikinabang ang sektor ng agrikultura.