DAGUPAN CITY- Nakatanggap ng gold coin at letter ang mga Filipino Healthcare worker sa United Arab Emirates (UAE) mula kay President His Higness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan bilang pagkilala sa kanilang serbisyo noong kasagsagan ng COVID-19 Pandemic.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Michael Orquiza Viscara, isa sa mga nakatanggap, ikinatuwa nila ang nasabing pagkilala dahil nagpapakita ito na hanggang sa kasalukuyan ay naalala sila ng gobyerno ng bansa.

Aniya, matapos ang ilang taon ay ngayon lamang nila ito natanggap, subalit, may mga nauna nang pinaabutan ng gold coin noong nakaraang taon.

--Ads--

Ibinahagi naman niya na matapos matanggap ang naturang pagkilala ay bumalik ang kaniyang ala-ala sa mga karanasan noong pandemiya.

Isa umano ito sa life-daring experience sa kaniyang 13 taon na nasa serbisyo dahil itinalaga siya sa critical-care facility kung saan kinakailangan ang matinding pag-alaga sa mga covid-19 patients.

Kaniya naman ipinagpapasalamat sa lahat ng kaniyang mga natutunan sa panahon na iyon.

Samantala, maliban pa sa gold coin, taon 2023 nang makatanggap rin sila ng P80,000 bilang bahagi ng pagkilala ni Nahyan sa kanilang serbisyo.

Suhestyon naman ni Viscara sa gobyerno ng Pilipinas na mabigyan ng sapat at magandang oportunidad sa bansa upang hindi na mapilitan mangibang bansa pa ang mga Filipino Health Workers.