Nananatili pa rin ang problema ng mga magsasaka sa bansa sa kabila ng mga ipinasang mga measures ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa sektor ng agrikultura.

Ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, nananatiling mababa ang presyo ng palay ng mga magsasaka.

Aniya, maging ang mga nilagdaang Executive Order (EO) Nos. 100 at 101 ni Pangulong Marcos Jr. na nagtatakda ng floor price para sa palay at layuning magpatibay ng direktang tulong ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura ay hindi naiiba sa mga naunang hakbang ng administrasyon.

--Ads--

Sa katunayan, ayon kay Estavillo, hindi raw ito nagpapakita ng tunay na malasakit sa mga magsasaka at malabong magdulot ng pagtaas sa presyo ng kanilang ani.

Dagdag pa niya, mabilis umanong nakapaglulunsad ng mga executive order ang Pangulo kapag ito ay para sa interes ng mga negosyante, traders, at importers, ngunit kapag tungkol sa mga panawagan ng mga magsasaka, idinadaan pa umano sa mga prosesong mabagal at masalimuot.

Dagdag pa niya na sa buong panunungkulan ng pangulo ay paulit ulit na nararamdaman ang krisis sa napakataas na presyo ng pagkain lalo na ang igashabang tuloy tuloy ang pagkalugi ng mga magsasaka sa kanilang pagtatanim.

Muling nanawagan siya na ibalik ang kapangyarihan ng National Food Authorityna mamili direkta sa mga magsasaka upang kahit paano ay mabili ng ahensya ang 20 percent ng national production sa mataas na presyo.