DAGUPAN CITY- Papalapit na ang botohan sa national at local midterm elections kung saan noong February 12 ng inanunsyo ng Commission on Election (COMELEC) ang pagsisimula ng campaign period para sa National candidates at sa mga Partylist
Habang patuloy ang pangangampanya, nagbahagi naman ang ilang mga estudyante mula sa Probinsya ng Pangasinan ng kanilang pananaw at mga criteria na kanilang tinitingnan sa pagpili ng kandidato sa darating na eleksyon.
Ayon kay Stephanie Dacquel, isang estudyante, mahalaga sa kanya na ang mga kandidato ay nakapagtapos ng kolehiyo. Aniya, Importante raw kasi ang edukasyon para sa mga aspirante para at least may kakayahang aralin ang batas o ano mang pangangailangan ng mga tao.
Dagdag pa niya, na kung siya bilang ordinaryong estudyante ay kailangan pa niyang makapagtapos ng pag-aaral para makapag- hanap ng stable na trabaho ay dapat gayundin umano ang mga uupo sa gobyerno para na rin maging patas ang standard ng tao.
Samantala, si Alexis Neil Casingal naman ay nagsabi na hindi sapat ang mga pangako ng mga kandidato na magtutok lamang sa pagtulong sa mga mahihirap.
Ayon sa kanya, ang mga kandidato ay dapat may konkreto at plataporma na magbibigay ng solusyon sa mga problema ng buong lipunan.
Dagdag pa niya, mahalaga ring pag-aralan mabuti ang background ng mga kandidato upang makapagdesisyon nang tama sa halalan. Hindi pwede umano na basta lang magtitiwala sa mga pangako kundi dapat tignan ang kanilang mga nagawa at kung anong klaseng lider sila sa bansa.
Ang mga pananaw ng mga estudyanteng ito ay nagbibigay diin sa kahalagahan ng matalinong pagpili ng mga lider na may malasakit at konkretong plano para sa bayan.