Dagupan City – Nagbahagi ng pananaw ang ilang estudyante ng Pangasinan State University Lingayen kaugnay sa paggunita ng Ash Wednesday bilang pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma.

Ayon sa kanila, ang paglalagay ng abo sa noo na may hugis krus ay simbolo ng pagsisisi at paalala na panandalian lamang ang buhay ng tao.

Para sa mga Katoliko, ito ay isang mahalagang tradisyon na isinasagawa sa simbahan bilang pagpapakita ng pananampalataya at pagbabalik-loob sa Diyos.

--Ads--

Ibinahagi rin ng ilang mag-aaral na bagama’t hindi lahat ay nagdiriwang nito sa parehong paraan, mahalaga pa rin ang diwa ng araw na ito sa mga Kristiyano.

Sa halip na tumanggap ng abo, ang iba ay nakikibahagi sa pamamagitan ng pakikinig sa pangangaral at pagninilay tungkol sa kamatayan ni Hesukristo at kahalagahan ng pagsisisi.

Para sa mga estudyante, ang Ash Wednesday ay hindi lamang dapat ginugunita sa isang araw kundi nagsisilbing paalala na isabuhay ang pananampalataya, paggawa ng mabuti, at pagiging matuwid araw-araw sa pamamagitan ng panalangin at mas malapit na ugnayan sa Diyos.