Binanatan ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Dante Jimenez ang ilang mga District Engineers dito sa bansa na nakiki-amo diumano sa mga malalaking pulitiko.
Ayon sa opisyal, talamak pa rin hanggang sa ngayon ang konseptong maging alalay at sunod sunuran sa mga pulitikong mayayaman o may mga limpak limpak na salapi.
Gawin na lamang aniyang halimbawa ang mga tinaguriang ‘district engineers’ kung saan, sa halip na magsilbi para sa gobyerno ay makikita ang mga ito na dumidikit at nakiki-amo sa mga kilalang pulitiko. Dagdag pa niya, ganito na ang nagiging kalakaran lalo na sa tanggapan ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Ibinunyag din nito na may ilang mga pulitiko ang ginagamit din ang mga District Engineers kasama na ang budget ng DPWH na ayon kay Jimenez, ay perang galing sa pork barrel at insertions.
Magugunitang si Senador Panfilo Lacson ang unang nagsiwalat kaugnay ng matatanggap na discretionary funds ng ilang mga senador at kongresista mula sa 2019 national budget kung saan kabilang na rito ang insertions sa pondo para sa Department of Public Works and Highways (DPWH).