Sinimulan na ang pagsasanay para sa mga DEPED supervising official (DESO) technical support staff (TSS) mula Pebrero 17 hanggang Pebrero 22, na magsisilbing katuwang sa operasyon ng mga Automated Counting Machines (ACM) sa nalalapit na eleksyon.

Ang pagsasanay ay pinapangunahan ng mga COMELEC trainers na magsisilbing gabay sa aktibidad na ito na isinasagawa sa bayan ng Calasiao.

Ayon kay Atty. Michael Franks Sarmiento, Election Supervisor, COMELEC, Dagupan City, napakahalaga umano ang gampanin ng mga technical support staff upang masiguro ang maayos na operasyon ng mga makina sa araw ng halalan.

--Ads--

Kabilang sa kanilang pangunahing tungkulin ang pagtulong sa pag-troubleshoot ng anumang isyu na maaaring mangyari sa mga makina, lalo na kung ito ay magka-kaproblema sa mismong araw ng eleksyon.

Samantala, kasama rin sa programa ang pagsasanay para sa mga guro na magsisilbing bahagi ng electoral boards.

Mahalaga para sa kanila na malaman kung paano gumana ang mga ACM at kung ano ang mga protocol na dapat sundin sa loob ng presinto.

Dahil umano sa mga nakaraang eleksyon, may mga insidente ng pagkakaroon ng problema sa mga counting machines.

Sa ngayon, dahil sa bagong makina, umaasa sila na hindi na magkakaroon ng aberya.

Sa huling linggo ng buwan ng Abril, magkakaroon din aniya ng isang final briefing para sa lahat ng poll workers upang tiyakin na maipaalala ang mga tamang hakbang at protocol na kailangang sundin sa araw ng eleksyon.

Aniya na napakahalaga ang mga pagsasanay na ito upang matiyak ang maayos na daloy ng eleksyon.