Nagpaalala ang Simbahang Katolika sa mga deboto na hindi nila ikinokonsidera ang pagpapapako sa krus o kaya’y pananakit sa sarili tuwing Semana Santa.

Sa eksklusibong panayam, sinabi ni Fr. Oscar Roque ng St. Thomas Aquinas Parish Church sa bayan ng Mangaldan, na hindi nila ipinapayo ang pagpapako sa krus ng mga deboto pero hindi ito nangangahulugan na kinokondena nila ang gawaing ito ng mga Katoliko.

Aniya, ang teolohiya na mismo ang nagsasabi na ang pagpapapako at kamatayan ni Hesus sa Krus ay sobra na para tubusin ang tao sa kasalanan at hindi na ito dapat inuulit pa.

--Ads--

Ayon kay Roque, ang fasting at abstinence ay isang paraan din ng pagpapakita ng sakripisyo sa Mahal na Araw kaya mas mainam na ito na lamang ang gawin ng mga deboto para makilahok sa paggunita ng Semana Santa.

Mababatid na taun-taon, libu-libong katao ang nagpupunta sa Brgy. Cutud sa Pampanga para tunghayan ang pagpapapako sa krus ng ilang mga deboto tuwing Biyernes Santo.

Marami ring mga deboto sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang sinasaktan ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paghahampas sa likod ng matatalas na bagay.