Maaaring maging state witness ang mga inimbitahang resource person sa isinasagawang imbestigasyon sa pagdinig ukol sa mga maanomalyang proyekto sa bansa.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, Constitutional Law Expert /Political Analyst sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, isa sa mga pangunahing requirement upang maging state witness ay hindi sila ang pinaka-guilty sa mga sangkot na krimen.
Dagdag pa niya, sa ilang pagkakataon ay nagiging state witness ang isang tao kahit bahagi siya ng conspiracy, kung ang kanyang testimonya ay mahalaga upang mapanagot ang mga pulitikong sangkot sa pagnanakaw ng pera ng bayan, partikular ng buwis ng mamamayan.
Gayunpaman, nananatiling may pagdududa pa rin sa kanilang pagiging state witness dahil kailangan munang pag-aralan at i-evaluate ang kanilang mga pahayag, pati na rin ang mga ebidensyang kanilang isusumite.
Ayon pa kay Atty. Cera, hindi sapat ang testimonial evidence o pahayag lamang ng mga dating empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang saksi — kailangan din ng collaborative evidence upang mapatunayang totoo ang kanilang mga sinasabi at hindi ito gawa-gawa lamang.