BOMBO DAGUPAN- Nagbubukas umano ang Hell’s gate sa tuwing buwan ng Agosto.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Master Hanz Cua, Fenshui Expert, nagmula ang paniniwalang ito sa mga Tsino, Bhuddism, at Taoism kung saan nangyayari ito tuwing ika-7 buwan sa Chinese Lunar Calendar.

Buwan umano ito ng paglabas ng mga ‘hungry ghost’ upang maghanap ng makakain at maiinom. Gayunpaman, isang buwan din itong pag-aalala sa mga namayapang mahal sa buhay.

--Ads--

Sinabi ni Cua na sa tuwing buwan na ito, dumadami din ang ‘Yin’ o negative energy dala ng mga kaluluwa kaya mataas aniya na magkakaroon ng mga kamalasan o aksidente ang mga tao.

Kaya batay din sa paniniwala, hindi ito ang perpektong buwan upang pumasok sa mga bagong bagay tulad ng paglipat ng career at bagong negosyo dahil maaaring malasin lamang.

Kaugnay nito, marami ang mga negosyante at ilang mga lugar ang lumalapit sa mga Feng shui experts para magsagawa ng ‘ghost month ritual’ upang makaiwas sa mga kamalian.

Kapag inalayan kase aniya ang mga kaluluwa ng mga pagkain, insenso, kandila, at mga paper money ay maaari itong maging ‘happy ghost’ na maaaring magdadala ng kasaganahan.

Para naman sa mga may kaarawan ng Agosto, sabayan din aniyang alayan ang mga kaluluwa sa paghahanda ng selebrasyon.

Nagpaalala naman si Cua na hindi dapat katakutan ang ‘ghost month’. At sa buwan na ito, maaaring maglagay ng lamesa sa labas ng bahay at lagyan ito ng pulang tela. Ilagay din dito ang mga iaalay tulad ng mga iba’t ibang klaseng karne, kanin, at inumin tulad ng beer upang maging masaya ang mga kaluluwa. Gumamit din ng 3 piraso ng insenso para sa pagdasal.

Maliban diyan, buksan din sa umaga ang mga maaaring pasukan ng mga bagong hangin, katulad ng bintana at pintuan, para makapasok ang mga swerte.

Magsuot din aniya ng makukulay na damit, crystal bracelets tulad ng mga itim na onyx, obsidian, turmaline, at lapis lazuli. Dapat din aniya magdisplay ng Chung Kwei.

Huwag din kalimutan ang pagpunta sa mga templo at simbahan upang magdasal.

Gayunpaman, kamalasan man ang kaakibat ng ghost mpnth subalit paniniwala lamang ito at nasa tao pa rin kung paano nito gagawin ang kaniyang sariling swerte.