Nanindigan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na pananagutin pa rin sa batas ang mga barangay officials na mapapatunayang nangampanya ng kandidato noong 2019 midterm election.
Ayon kay DILG Undersecretary Martin Diño bagama’t tapos na ang halalan, hindi umano nangangahulugan na tapos na rin ang ginagawa nilang pagiimbistiga sa mga brgy officials na nasangkot sa usapin ng partisan politics. Aniya, sisiguraduhin ng kanilang tanggapan na may masasampolan sa sa mga ito, lalo na’t maraming reklamo ang umano’y naiparating sa kanila, patungkol sa mga opisyales ng brgy na “nagpahawak sa leeg” sa mga kandidato .
Giit pa ng opisyal, bago pa man ang panahon ng kampanya, kanila nang pinaalalahanan ang mga barangay officials na bawal ang mga itong ikampanya nang lantaran ang mga manok nilang kandidato pero marami pa rin aniya ang sumuway.
Batay sa joint circular ng Comelec at Civil Service Commission, tanging ang pangulo, ikalawang pangulo at iba pang elective officials ang pinapayagang mangampanya ng kandidato at hindi kasama ang mga barangay officials. WITH REPORT FROM BOMBO BADZ AGTALAO