DAGUPAN CITY- Nanawagan ang isang alkalde para sa katarungan at malinaw na sagot kaugnay sa sinapit ng pera ng mga investors matapos maipatupad ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban sa isa sa mga sangkot sa umano’y investment scam na JRL.
Ayon kay San Carlos City Mayor Julier Rusuello, nagpapasalamat ang lokal na pamahalaan sa mabilis na pag-aksyon na nagresulta sa pagkakaaresto at pagkakaditine kay Joshua Lacayan, na matagal nang hinihintay ng maraming investors na nangangambang siya ay maaaring tumakas o magtago sa bansa.
Sinabi ng alkalde na mas magiging panatag ang loob ng mga mamamayan at investors kung maibabalik ang kanilang mga puhunan, lalo na ang mga taga-San Carlos na labis na naapektuhan ng umano’y panlilinlang.
Aniya, iba-iba ang panawagan ng mga biktima, kung saan ang ilan ay umaasang mababawi pa ang kanilang pera habang ang iba naman ay naniniwalang dapat managot sa batas kung hindi ito mangyayari.
Patuloy naman ang koordinasyon ng mga investors na naghahanda sa pagsasampa ng kaso sa tulong ng isang abogado.
Dagdag pa ni Mayor Ruseuello, mayroon umanong group chat kung saan isinusumite ng mga biktima ang kani-kanilang salaysay bilang bahagi ng proseso.
Ipinaliwanag ng alkalde na hindi minamadali ang paghahain ng kaso upang matiyak na maayos at matibay ang mga ebidensiyang ihaharap.
Umaasa ang lokal na pamahalaan na magiging tapat ang nasasangkot at haharapin ang kanyang pananagutan.










