Dagupan City – Naalis na ang mga pansamantalang baratilyo dito sa Downtown Area ngDagupan City ngayong araw kasunod ng pagtatapos ng kanilang tatlong buwang kontrata.
Dahil dito agad na isinagawa ang masusing paglilinis gaya ng flushing and clearing operation ng mga kinauukulan sa mga parte ng ng Galvan St., Zamora St. at Jovellanos St. na pinangunahan ng Task Force Anti-Littering kasama ang City Disaster Risk Reduction and Management Office at Waste Management Division.
Ayon kay Jaime “Jong” Serna Jr., pinuno ng Task Force Anti-Littering Dagupan City, sinimulan na ang pagtanggal ng mga baratilyo noong madaling araw.
Natapos na ang pag-alis ng mga ito at kasalukuyang isinasagawa na ang paglilinis ng mga naiwang dumi at kalat.
Wala umanong naging problema sa pagtanggal ng mga baratilyo dahil sa kooperasyon ng mga nagtitinda, na nauunawaan ang pagtatapos ng kanilang kontrata.
Inaasahan na matapos ang paglilinis ngayong araw, makakapagsimula na ang paglipat ng mga ambulant vendors na naapektuhan sa pagkakaroon ng mga baratilyo.
Saad pa nito na muli na ding madadaanan ito ng mga sasakyan patungong Bonuan at sa silangang bahagi ng lungsod.
Samantala, patuloy naman na susubaybayan ng Task Force Anti-Littering ang kalinisan,
At kaayusan ng lugar lalo na sa pagbibigay ng abiso sa mga vendors kung saan sila maaring makapagpwesto na hindi makakaabala sa mga sasakyan.
Pinaaalalahanan din ang mga vendors sa posibleng mga pagbabago sa mga susunod na araw dahil sa papalapit na Bangus Festival.
Binigyang-diin ni Serna na mayroong 24/7 monitoring ang kanilang tanggapan sa mga vendors upang matiyak ang pagsunod sa mga alituntunin.