Natagpuan na ang huling bangkay ng isa sa mga biktima ng aksidenteng naganap sa Gawa, Barangay Tocucan, Bontoc, Mountain Province.
Natagpuan na ang bangkay ni Edmund Romeo, residente ng Pangasinan, pasado alas-4 ng hapon kahapon.
Nauna nang natagpuan noong Martes ang bangkay ni Carlo Ancheta.
Naibalik na rin sa kanilang mga pamilya ang mga labi ng tatlo pa nilang kasamahan na sina Rogelio Dela Cruz Jr., JC Galicia, kapwa taga-Pangasinan, at ang driver na si Zoren Jay Alat mula sa Zamboanga.
Matatandaang nahulog sa bangin na may lalim na tinatayang 150–170 metro ang elf truck na sinasakyan ng mga biktima at tuluyang lumubog sa Chico River, matapos bumangga sa dalawang nakaparadang sasakyan sa gilid ng kalsada noong Oktubre 27, 2025.
Samantala, isinagawa ang isang ritwal sa mismong lugar ng insidente.
Isinagawa ang ritwal bilang pasasalamat sa matagumpay na pagkakarekober ng huling bangkay at upang ipanalangin ang paglilinis ng isipan ng mga nakasaksi sa trahedya, partikular na ang mga rescuer, at upang maalis ang anumang negatibong enerhiya, trauma, o iba pang masamang damdamin.
Naibalik na rin sa kanilang tahanan sa Pangasinan ang mga labi ng mga biktima.










