Dagupan City – Dumating na ang mga bagong aklat sa Mangaldan National High School, na inaasahang gagamitin ng mga estudyante para sa pagbubukas ng klase ngayong Hunyo.

Kahon-kahong mga libro ang natanggap ng paaralan bilang bahagi ng paghahanda para sa panibagong school year 2025-2026. Ayon sa pamunuan ng paaralan, ito pa lamang ang unang batch ng mga textbook na kanilang natanggap, ngunit inaasahang madaragdagan pa ito sa mga susunod na linggo.

Ayon kay Principal Eduardo Castillo, layon ng pamunuan na makamit ang tinatawag na 1:1 ratio o isang libro para sa bawat estudyante para tiyakin na may sapat na kagamitan ang bawat isa sa kanilang pag-aaral.

Isa rin umano sa mga dahilan ng pagbaba ng performance ng ilang estudyante sa mga nagdaang taon ay ang kakulangan sa mga kagamitan tulad ng libro. Kaya’t naniniwala ang paaralan na malaki ang magiging epekto ng pagkakaroon ng kumpletong textbooks sa pagpapabuti ng academic performance ng mga mag-aaral.

Kaya naman, puspusan ang pagtutok ng paaralan sa pagtiyak na magiging sapat ang mga aklat para sa lahat ng year level, para muling pataasin ang antas ng esukasyon sa paaralan.