BOMBO DAGUPAN -Natanggap na ng Commission on Elections (Comelec) kamakailan ang ikalawang batch ng automated counting machine (ACM) na gagamitin para sa halalan sa susunod na taon.

May kabuuang 8,640 ACMs ang nai-deliver ng South Korean firm na Miru Systems sa warehouse ng Comelec sa Biñan, Laguna.

Kinumpirma naman ni Comelec Chairman George Garcia na mayroon nang 24,000 ACMs sa bansa.
Nagsimula ang Miru na mag-deliver ng mga machine noong July, na anang Comelec ay nagpadala rin ang kumpanya ng 100% ng mga server, printer, at laptop na gagamitin sa vote canvassing.

--Ads--

Mainam ang ginagawang paghahanda ng Comelec para sa mga gagamitin sa eleksyon kahit na malayo pa talaga ang aktuwal na botohan.

Mahaba pa ang panahon para maisagawa ang inspeksyon sa bawat ACM upang matiyak ang kalidad ng mga ito at agad na mapalitan kapag pumalya. Mahirap ng pumalya at mangyayari pa ito sa mismong araw ng halalan.

Nakasalalay kasi sa mga naturang machine ang pagbilang sa mga boto ng taumbayan mula sa lahat ng polling precinct sa buong bansa.

Kaya naman importanteng matiyak na maging maayos ang mga ACM na gagamitin at kung meron man problema ay madaling masolusyonan.