Tiniyak ng National Meat Inspection Service o NMIS region 1 na nananatiling swine fever free ang mga alagang baboy at meat products dito sa rehiyon.
Una rito, ipinagbawal ng Department of Agriculture ang mga meat products simula Agosto noong nakaraang taon ang pag angkat o pagdadala ng mga pork products mula sa mga bansang China, Hongkong, Macau, Vietnam, Cambodia, Belgium, Russia, Ukraine, Bulgaria, Hungary, Czech Republic, Latvia, Moldova, Poland at Mongolia kung saan apektado ng African swine fever o ASF.
Ayon sa pamunuan ng NMIS, halos siyam na buwan na ang nakakaraan ay hindi pa rin sinususpindi ng DA ang ban.
Mahigpit ang monitoring ng NMIS sa mga ibinibentang karne sa mga palengke at iniinspeksyon ang mga frozen products kasama ang mga delata.
Pinayuhan ang publiko na mag ingat at tiyakin na ang mga binibili nila ay hindi nanggaling sa mga bansang apektado ng ASF.
Hindi nakakaapekto sa kalusugan ng tao ang pagkain ng karne ng baboy o pork products na apektado ng ASF pero maaring maging carrier ng virus ang tao lalo na kung humawak ng produkto na apektado ASF.