DAGUPAN CITY- Nagsagawa ng pagpupulong ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Calasiao upang talakayin ang mga hakbang sa harap ng banta ng Low Pressure Area (LPA) at habagat ngayong tag-ulan.
Ayon kay Kristine Joy Soriano, LDRRMO III, may mga nakahanay nang aktibidad na layong mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa bayan.
Ilan sa mga ito ang bayan-wide clean-up drive at river clean-up drive na nakatakdang isagawa sa mga susunod na linggo.
Kabilang sa mga lalahok ang mga kawani ng LGU, ilang volunteers, barangay officials, at mga residente lalo na ang mga nakatira malapit sa ilog.
Aniya na na noong nakaraang taon, nakatuon ang mga aktibidad sa Marusay River.
Sa tuloy-tuloy na mga inisyatibo, gumanda ang daloy ng tubig at nawala ang mga water lily sa ilalim ng tulay.
Nasa normal na antas ang tubig ayon sa kanilang monitoring, ngunit patuloy pa rin ang pagbabantay lalo na sa pag-ipon ng tubig ulan sa mga mabababang lugar.
Dagdag pa niya na bagaman may mga kalsadang napataas at border wall protections na natapos na, hindi pa rin tumitigil ang pagbabantay upang masigurong walang pagguho o iba pang epekto ng pag-ulan.