DAGUPAN CITY- Itinampok ang kahalagahan ng kalusugan ng isip ng mga kabataan sa isang lecture na isinagawa bilang bahagi ng Children’s Summit sa Rehiyon Uno.

‎Isinagawa ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng isang pampublikong ospital sa rehiyon, na naglalayong palawakin ang kaalaman ng mga kabataan tungkol sa mental health, lalo na sa konteksto ng pag-aaral at pang-araw-araw na buhay.

‎May temang Healthy Mind, Healthy Life: Thriving in School and Beyond ang talakayan, na nakatuon sa papel ng maayos na kalusugan ng isip sa akademikong pagganap, personal na pag-unlad, at pakikisalamuha sa komunidad.

‎Bahagi ang naturang programa ng Children’s Summit na nagtataguyod sa karapatan ng bawat bata na mabigyan ng de-kalidad na edukasyon at sapat na pag-aaruga, kabilang ang paghubog ng kanilang kakayahan, talento, at wastong paggamit ng oras sa makabuluhang gawain at libangan.

‎Binigyang-diin sa lecture ang kahalagahan ng maagang pag-unawa sa emosyon, stress, at iba pang hamong maaaring makaapekto sa mental na kalagayan ng mga kabataan, gayundin ang pagkilala kung kailan at paano humingi ng tulong.

‎Ayon sa mga tagapagpatupad ng programa, patuloy ang pagsisikap ng pamahalaang lokal at mga katuwang na institusyon na maglunsad ng mga inisyatibong tutugon sa pangangailangan ng kabataan, lalo na sa usapin ng mental health.

‎Sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad, layong iparamdam sa mga kabataan na may mga programang handang umagapay sa kanilang kapakanan at na hindi sila nag-iisa sa pagharap sa mga hamon ng kabataan at pag-aaral.