“Mahalaga na mabigyan sila ng mental health intervention.”


Ito ang binigyang-diin ni ACT Partylist Representative France Castro sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa napaulat na halos 2,000 o kabuuang 1,871 na kaso ng pang-aabuso sa mga estudyante sa mga paaralan sa bansa mula 2019 hanggang 2020.


Aniya na kailangang pagsumikapan ng mga kinauukulang ahensya hindi lamang ng Kagawaran ng Edukasyon subalit gayon na rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), at gayon na rin ang Women’s and Children’s Desk sa mga himpilan ng kapulisan, ang pagtugon sa naturang usapin.

--Ads--


Dagdag pa ni Castro na mahalaga na malaman ang kabuuan at updated na bilang ng mga kaso ng pang-aabuso an naitatala sa mga paaralan nang sa gayon ay kaagad na matugunan at mabigyan ng pangunahing interbensyon ang mga nakakaranas ng pang-aabuso sa mga paaralan, at gayon na rin ang pagbibigay sa kanila ng legal assitance ng sa gayon ay pamanagot ang mga perpetrators.


Saad pa ni Castro na mainam kung makikita rin ang iba’t ibang uri ng pang-aabuso mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamalala, kaya mas maganda kung makakakuha ang mga kinauukulang ahensya ng accurate o updated na data tungkol sa naturang usapin.


Kaugnay nito ay binigyang-diin naman ni Castro na bilang kinatawan ng hanay ng mga kaguruan ng sektor ng edukasyon sa bansa, ay hindi umano nila kokonsintihin at hindi papayagan ang mga ginagawang pang-aabuso sa mga bata.


Dagdag niya na mayroong mga nakalatag na batas patungkol sa usapin gaya ng mga mekanismo, grievance machinery, at Korte Suprema na humahalili sa pagtulong sa mga bata sa pagsampa ng mga kaso laban sa mga guro kung tunay nga umano na mayroong mga naitatalang mga pang-aabuso sa mga paaralan.


Aniya na bagamat nakakabahala ay mayroong tinatawag na “confidentiality” kung ang mga sangkot sa mga pang-aabuso ay mga guro, kaya naman hindi ito isinasapubliko, kaya naman ay nasa bahagi ng Kagawaran ng Edukasyon kung papaano ito tutugunan at kung papaano nila matutulungan ang mga bata at kanilang mga magulang na makuha ang hustisya.