Dagupan City – Inihayag ng isang Guidance Counselor na mahalaga ang mental health awareness at aktibong paggabay ng mga magulang sa paghubog ng mga kabataan upang hindi masangkot sa anumang uri ng karahasan o pagbabanta online.

Ito ang binigyang-diin ni Dr. Beverly Fernandez, Pangulo ng Philippine Guidance and Counseling Association–Pangasinan Chapter, kasunod ng lumalalang mga insidente ng online threats sa Pangasinan at iba pang panganib na maaring kaharapin ng mga kabataan sa paaralan.

Ayon kay Fernandez, karamihan sa mga nasasangkot sa ganitong mga insidente ay mga menor de edad na hindi pa ganap ang pag-unlad ng kanilang pag-iisip o brain development.

--Ads--

Dahil dito, mas madali silang maimpluwensiyahan at maniwala sa mga impormasyong nakikita nila sa online platforms.

Sinabi rin niya na kung walang sapat na gabay mula sa mga magulang at paaralan, maaaring mahirapan ang mga kabataan na matukoy ang tama at mali sa dami ng impormasyong kanilang naa-access sa internet.

Kaya naman, mahalagang magkaroon ng epektibong “filtering mechanism” sa pamamagitan ng wastong paggabay, pagmamanman, at pagtuturo ng tamang paggamit ng teknolohiya.

Samantala, ikinatuwa ni Fernandez ang pag-apruba sa mahigit 10,000 School Counselor Associate positions sa buong bansa.

Aniya, malaking hakbang ito upang matugunan ang kakulangan ng mga guidance personnel at mapalawak ang serbisyo sa kalusugang pangkaisipan sa mga paaralan.

Pinaalalahanan naman ni Fernandez ang mga magulang na maglaan ng sapat na oras sa kanilang mga anak dahil ito ay katumbas ng pagmamahal na makatutulong upang hindi sila maghanap ng negatibong impluwensiya sa internet, habang hinimok din niya ang mga guro na paigtingin ang pagtuturo ng mabuting asal at wastong pagpapahalaga sa buhay.

Nanawagan din siya sa pamahalaan na tiyaking ganap na maipatupad ang Mental Health Act at isulong ang reclassification ng mga registered guidance counselor upang higit pang mapalakas ang mga programa sa kalusugang pangkaisipan sa mga paaralan.

Iginiit ni Fernandez na nakahanda ang kanilang organisasyon na makipagtulungan sa pamahalaan, mga paaralan, at iba pang sektor upang maisulong ang kaligtasan, kapakanan, at mental na kalusugan ng mga kabataan sa gitna ng lumalawak na hamon sa online environment.