Dagupan City – Isang menor de edad ang nasawi matapos makuryente sa Barangay Salapingao, Dagupan City, kahapon, Nobyembre 11, 2025.

Batay sa ulat ng Dagupan City Police Office (DCPO), natukoy na ang sanhi ng insidente ay ang aksidenteng pagkakahawak ng biktima sa isang wire sa loob ng kanilang bakuran.

Ayon kay PLtCol Roderick Gonzales, Chief ng City Community Affairs and Development Unit, sa kanilang inisyal na imbestigasyon ng Police Station 5, nakuryente ang binatilyo matapos nitong mahawakan ang kawad ng kuryente na nakasabit sa bahagi ng kanilang bakuran.

--Ads--

Agad itong isinugod sa ospital ngunit binawian din ito ng buhay.

Nilinaw ng pulisya na walang kinalaman sa Super Bagyong Uwan ang naturang insidente.

Lumabas sa kanilang pagsusuri na ang pagkakakuryente ng binatilyo ay hindi dulot ng anumang pinsala o power outage na sanhi ng bagyo.

Posibleng nagkaroon ng depekto o pagkakalas ng kable sa kanilang tahanan na nagdulot ng daloy ng kuryente sa nahawakan ng binatilyo.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang DCPO sa mga teknikal na eksperto upang tuluyang matukoy kung paano nagkaroon ng live connection sa naturang kawad.

Nanawagan naman ang mga awtoridad sa mga residente na regular na suriin ang kanilang mga linya at koneksyon ng kuryente upang maiwasan ang kaparehong insidente.

Ipinaabot naman ng pamunuan ng Dagupan City Police Office sa pamilya ng nasawi ang kanilang pakikiramay at tiniyak na patuloy nilang tututukan ang resulta ng imbestigasyon upang maiwasan na maulit ang ganitong uri ng aksidente.