BOMBO DAGUPAN – Nasawi ang isang menor de edad na babae matapos maaksidente sa kahabaan ng Angalacan Road, Barangay Embarcadero, sa bayan ng Mangaldan lalawigan ng Pangasinan.
Ayon naman kay PCPT Jerome Marquez, deputy Chief/Admin Officer sa Mangaldan PNP, sakay ng motorsiklo ang dalawang babae na pauwi na galing sa bayan ng San Fabian nang mangyari ang insidente.
Ang driver ng motor, ay ang menor de edad na babae kung saan sakay nito ang isang 22 anyos na babae na parehas na residente ng barangay Osiem sa naturang bayan.
Dagdag pa ni Marquez, maaaring nasa impluwensya ng alak ang driber dahilan para mawalan ng control ang motor bago ito matumba.
Dahil sa lakas ng impact ng aksidente, tumilapon ang biktima at naipit sa pagitan ng concrete barrier na siyang naging dahilan para magtamo ng matinding head injury, na kanyang ikinasawi habang ligtas naman ang babaeng sakay nito at kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan.
Patuloy naman na pinag aaralan ng pulisya kung sino ang posibleng managot sa naturang insidente.
Ayon kay Marquez hindi rin inaalis ang posibilidad na maaaring makasuhan ang 22 anyos na babae dahil hinayaan niya ang menor de edad na magmaneho ng nasabing motorsiklo.
Sa ngayon, wala pang malinaw na impormasyon mula sa pamilya ng nasawi kung magsasampa sila ng kaso a laban sa kasamahan nito.