Paiigtingin ni Barangay Captain Tede Torrente ng Barangay Canaoalan, Binmaley ang pagtugon sa mga reklamo at usapin sa seguridad bilang bahagi ng pagpapatuloy ng kanyang serbisyo sa barangay.


Ayon kay Torrente, agad niyang tinutugunan ang mga sumbong ng mga residente, kabilang ang mga insidente ng pagputol ng mga kable, upang mabilis na maresolba ang problema at matulungan ang mga apektadong mamamayan.


Isa rin sa kanyang tututukan ang seguridad ng mga menor de edad, lalo na sa gabi. Sa tulong ng mga CCTV camera na naka-install sa barangay, mas namo-monitor ang mga kabataan na nananatili sa labas nang lampas sa itinakdang oras.

--Ads--


Plano rin niyang makipag-ugnayan sa mga magulang kapag may nakikitang menor de edad na nasa labas pa ng bahay sa gabi upang mapaalalahanan ang mga ito na bantayan at gabayan ang kanilang mga anak.


Bukod sa seguridad, ginagamit din ang CCTV upang matukoy ang mga lumalabag sa kalinisan at kaayusan, kabilang ang mga nagtatapon ng bote o basura sa mga pampublikong lugar.


Hinikayat naman ni Torrente ang mga residente na ayusin agad ang maliliit na hindi pagkakaunawaan at pag-usapan ang mga problema bago pa ito lumala at mauwi sa reklamo sa barangay.


Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa at pakikipagtulungan ng mga residente upang mapanatili ang kaayusan, kalinisan at seguridad sa Canaoalan.